Sinimulan na ngayong araw ng Commission on Elections (COMELEC) ang pag-imprenta ng mga Final Testing and Sealing (FTS) ballots para sa gaganaping kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Oktubre 13, 2025.
Sakop ng naturang pag-imprenta ang 3,461 clustered precincts sa limang probinsya ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ang Special Geographic Area na may walong munisipalidad, at mga lungsod ng Lamitan, Marawi, at Cotabato.
Ayon kay COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, nasa 44,000 Final Testing and Sealing at Pre-Logic and Accuracy Test (Pre-LAT) ballots ang inimprenta sa National Printing Office.
Ipinakita rin ni Laudiangco ang sample ng balota na gagamitin ng mga guro sa final testing at sealing ng mga automated counting machines. Kasama na rito ang mga litrato ng kandidato, logo ng political party, at ang bagong option na “none of the above.”
Dagdag pa ng opisyal, matatapos din ngayong araw ang printing ng FTS ballots at isasailalim sa masusing verification bago dalhin sa mga polling centers. Inaasahan namang magsisimula sa Agosto 24 ang pag-iimprenta ng mga opisyal na balota na gagamitin ng mga botante sa mismong halalan sa Bangsamoro.