Kasalukuyang naka-heightened alert ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa mga inaasahan pang mga kilos protesta ngayong linggo bunsod ng pa rin ng patuloy na pagtalakay ng kongreso sa mga anomalyang kinahaharap ng mga flood control projects sa bansa.
Sa isang pulong balitaan, kinumpirma ni NCRPO Spokesperson PMaj. Hazel Asilo na apat pa ang kanilang minomonitor na mga programa na siyang nakatakdang ikasa sa ilang bahagi ng Maynila at maging sa kahabaan ng EDSA.
Kasunod nito ay tiniyak naman ni Asilo na hindi mabubulaga at nananatiling handa ang kanilang tropa sa NCRPO para sa mga programang ito upang matiyak na magiging payapa, ligtas at hindi makakaabala sa publiko at sa trapiko ang nga protestang isasagawa ng mga progresibong grupo sa mga susunod na araw.
Patuloy naman na pinaiiral ng NCRPO ang maximum tolerance kahit pa walang permit ang ilang grupo na magsasagawa ng kanilang mga programa.
Ito ay bilang respeto rin ng pulisya sa karapatan ng mga mamamayang makapagpahayag ng kani-kanilang saloobin at gustong sabihin.
Bibigyan din ang mga raliyista ng isang oras para matapos ang kanilang mga programa lalo na kung hindi madaan sa pakiusapan ang mga grupong ito.
Samantala, dalawa naman mula sa apat na grupong nakatakdang magkilos protesta ang kasalukuyang nakakuha na ng permit habang patuloy namang inaalam kung meron pa bang ibang grupo na balak ding makiisa sa mga ganitong pakikibaka.