Pinalawig pa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ipinapatupad na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Bulacan at Rizal o NCR Plus.
Sa kaniyang address to the nation nitong Miyerkules ng gabi sinabi ng pangulo, ipapatupad pa rin ang MECQ hanggang Mayo 14, 2021.
Dagdag pa ng pangulo, kinailangan niyang palawigin ang MECQ sa nabanggit na mga lugar batay na rin sa rekomendasyon ng mga eksperto dahil sa patuloy na pagtaas pa rin ng kaso ng COVID-19.
Mananatili naman sa general community quarantine ang mga sumusunod na lugar: Apayao, Baguio City, Benguet, Ifugao, Kalinga, Mountain Province, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Batangas, Quezon, Tacloban, Iligan, Davao City, Lanao del Sur.
Habang ang natitirang bahagi ng bansa ay mananatili sa modified GCQ.
Agad namang idinepensa ng Pangulong Duterte ang kanyang hakbang na extension sa MECQ sa nabanggit na mga lugar.
“There will always be a rise and maybe exponential ang takbo ng COVID pag hindi kayo sumunod ng batas,” ani Duterte. “This is not only a medical issue it is now of national interest and maybe the survival of the Filipinos.”