Tinanggihan ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court (ICC) ang apela ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na baliktarin ang desisyong nagsasabing siya ay “fit” o may kakayahang lumahok sa pre-trial proceedings.
Sa desisyong inilabas nitong Biyernes, Pebrero 13, sinabi ng chamber na ang argumento ng depensa, na maaaring lumala ang kalusugan ng dating Pangulo habang tumatakbo ang paglilitis, ay haka-haka at ispekulatibo.
Nilinaw din ng ICC na ang naunang pasya nito noong Enero 26, 2026 tungkol sa kanyang kakayahang humarap sa pre-trial proceedings ay hindi pa pinal na paghusga sa kanyang kakayahang sumailalim sa mismong paglilitis.
Nauna nang iginiit ng kampo ni Duterte na hindi makatarungan ang proseso at binalewala umano ang “objective facts” na paghina ng memoriya ng dating Pangulo.
Babala pa ng depensa na maaaring maapektuhan ang buong proseso kung itutuloy ang pagdinig sa confirmation of charges habang hindi ganap na nai-exercise ni Duterte ang kanyang mga karapatan.
Samantala, kasunod ng desisyon ng ICC sa petisyon ng kampo ni Duterte, nakikitang magbibigay daan ito para umusad ang kaso at magpursige ang nakatakdang confirmation of charges hearing simula sa Pebrero 23.
















