Naniniwala ang OCTA Research na posibleng makamit na ng NCR (National Capital Region) Plus 8 ang tinatawag na herd immunity sa darating na Pasko.

Ito ay kung hindi kakalat ang Delta COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) variant na unang na-detect sa India.

Ayon sa molecular biologist na si Fr. Nicanor Austriaco, miyembro ng OCTA Research Group, sa ngayon mayroon ng 17 cases ng Delta variant na naiulat sa bansa.

Sinabi ni Austriaco, naghahanda na ang bansa sa posibleng pagdagdag ng kaso ng Delta variant lalo na at tumataas na naman ang COVID-19 cases.

Hinggil naman sa pagtatapos ng community quarantine status sa Metro Manila sa June 30, nakatakdang maglabas ng kanilang rekomendasyonng ang OCTA Research Group ngayong Linggo o bukas, Lunes.

Samantala, nasa 8.9 million COVID-19 vaccine doses na ang na-administer ng gobyerno as of June 22.

Target ng pamahalaan na mabakunahan ang 58 million Filipinos at sa ngayon, nasa 3.87 percent na sa mga Pinoy ang “fully vaccinated.”

Sinasabing ang best COVID vaccine ay ang anomang brand na available dahil pawang makakapagbigay ng proteksyon laban sa COVID-19.

Una nang sinabi ng Department of Health na layon nila makapagbakuna ng 108,000 katao sa loob ng isang araw sa Metro Manila, Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, Pampanga, Rizal, Metro Cebu at Metro Davao, sa gitna ng patuloy na pagdating ng mga bakuna.

Ang mga lugar naman na nakakaranas ng pagtaas ng COVID-19 infections ay ang Cagayan de Oro, Bacolod, Baguio, Zamboanga, Dumaguete, Tuguegarao, General Santos, Naga, Legazpi, at Iloilo City na kabilang sa COVID-19 vaccination priority.