-- Advertisements --

Inilipat na ng ibang pasilidad si National Center for Mental Health (NCMH) chief administrative officer Dr. Clarita Avila matapos ang hindi umano otorisadong pagbanggit nito ng sitwasyon ng COVID-19 patients sa nasabing pagamutan.

Nakasaad sa Department Personnel Order No. 2020-1078 ng DOH na may petsang March 9 ang reassignment ni Dr. Avila sa Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa Las PiƱas City matapos hilingin ng hepe ng NCMH.

Sa isang Hospital Order naman ng pagamutan, sinabi ng NCMH na papalit sa pwesto ni Dr. Avila si Linda Espinosa na kasalukuyang Chief ng Materials Management Section ng health center.

Inamin naman ng reassigned official sa isang pahayag na naging dahilan din ng kanyang pagkakalipat ang pagsiwalat niya sa media tungkol sa gag order ni NCMH chief Dr. Roland Cortez.

Nakalagay sa sulat ni inilabas ni Dr. Cortez noong April 8 na hindi maaaring maglabas ng impormasyon si Dr. Avila tungkol sa COVID-19 situation ng NCMH.

May nakatalaga raw kasi na spokesperson ang gobyerno para rito, na si Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Kamakailan nang sitahin ng NCMH officials si Dr. Avila matapos sabihin na may 50 mula sa 83 psychiatrists ng pasilidad ang sumasailalim sa self quarantine.

Sinabi rin ng doktor na may anim na matatandang pasyente na ginagamot sa kanilang mental illness ang nag-positibo sa COVID-19. May tatlong pasyente naman daw ang namatay.

Binanggit din ng Avila sa mga media interviews nitong nakaraan na kulang ng personal protective equipment and medical supplies ang NCMH.