Ikinokonsidera ng National Bureau of Investigation (NBI) na ipasailalim sa polygraph test o lie detector test ang driver ng yumaong dating DPWH Undersecretary Catalina Cabral na si Ricardo Hernandez kung kinakailangan sa gitna ng paggulong ng imbestigasyon sa kanyang pagkamatay.
Nilinaw naman ni NBI spokesperson Atty. Palmer Mallari na ang polygraph ay isang investigative tool lamang at hindi tinatanggap bilang ebidensya sa korte.
Gagamitin lamang aniya ito kung hindi pa kumbinsido ang mga imbestigador sa salaysay ng testigo.
Nilinaw din niya na wala sa kustodiya ng NBI ang driver.
Bagama’t sinabi ng pulisya na ang mga paunang findings sa pagkamatay ni Cabral ay tumuturo sa posibleng suicide, iginiit ng NBI na ipagpapatuloy pa rin nito ang sariling imbestigasyon bago maglabas ng pinal na konklusyon.
Matatandaan batay sa salaysay ng driver, iniwan niya si Cabral sa Kennon Road, Tuba, Benguet bandang hapon noong Disyembre 18 habang patungo sila ng La Union. Nang bumalik siya sa lugar at sa hotel na tinutuluyan ng dating opisyal, hindi na niya ito nahanap. Bandang alas-otso ng gabi, natagpuan si Cabral na walang malay sa gilid ng Bued River, humigit-kumulang 20 hanggang 30 metro sa ibaba ng kalsada sa Kennon Road, at idineklarang patay madaling araw ng Disyembre 19.














