-- Advertisements --

Nasabat ng National Bureau of Investigation ang mga pekeng produkto na may nakalagay na kilalang tatak sa isinagawa nitong operasyon.

Kung saan ikinasa ang naturang operasyon sa pamamagitan ng implementasyon ng ‘multiple search warrants’ sa magkakaibang lungsod ng Metro Manila.

Ayon sa isinapublikong pahayag ng NBI, ang mga pekeng produkto ay nakompiska ng kanilang mga operatiba ng Intellectual Property Rights Division nito o NBI-IPRD.

Sinasabing nilabag umano ng mga ito ang nakasaad sa batas partikular ng Section 155 (Trademark Infringement) at Section 168 (Unfair Competition) kaugnay sa Section 170 ng Republic Act 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines.

Sa isinagawang operasyon sa may bahagi ng Paranaque City, nasabat ang nasa mahigit 1,000 piraso ng mga pekeng produkto.

Na nagkakahalaga ng ilan milyong piso o 3,556,500 Pesos.

Habang sa implementasyon naman ng ‘search warrants’ sa ilang pamilihan sa Binondo, Maynila at warehouse sa Malabon, nakompiska ang nasa higit isang libo ding counterfeit products.

Base sa ulat ng kawanihan, ito ay nagkakahalaga o aabot ng 51,646,470 Pesos.

Kaya naman dahil dito, pinuri mismo ni National Bureau of Investigation Director Jaime B. Santiago ang matagumpay na implementasyon ng mga naturang warrant.

Dagdag pa nito, pinaalalahanan din niya ang publiko na iwasang tangkilikin ang mga pekeng produkto na maaaring mabili sa mga pamilihan.