Magkakaroon na rin ng sariling imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa nangyaring misencounter sa Commonwealth avenue, Quezon City kagabi.

Matatandaang tatlo ang nasawi sa sagupaan ng mga tauhan ng pulisya at PDEA, na kapwa nagsasabing may lehitimo silang anti-drug operation sa naturang lugar.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, mahalagang magkaroon ng hiwalay na pagsisiyasat ang NBI maliban sa babalangkasing ad hoc joint PNP-PDEA board of inquiry.

Hindi naman tinaningan ng panahon ang NBI probe, lalo’t inaasahang magiging mabusisi ang gagawing imbestigasyon.