-- Advertisements --

Matagumpay na nasabat ng mga operatiba ang tinatayang nasa mahigit P13.8 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Purok 1, Barangay Songculan, Dauis Bohol.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Bohol Police Provincial Police Office Spokesperson Plt Col Norman Nuez, inihayag nito na matagal ng minamanmanan ng mga kapulisan sa koordinasyon ng Dauis Police Station, Regional Intelligence Division 7 (RID7), at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Bohol ang naturang suspek.

Sinabi pa ni Nuez, na ang dalawang lalaki na nahuli na may edad 39 at 37 ay maituturing na mga high-value individuals (HVIs) at residente ng Barangay Mantatao, Calape, ng nasabing lalawigan.

Dagdag pa nito na ang mga suspek ay mga home-sellers na kung saan ay inire-repack ang mga ito tiyaka umano ibebenta sa kalapit na mga lugar sa loob at labas ng lalawigan.

Aniya, ang sistema ng komunikasyon ng mga ito sa pamamagitan ng cellular message at social media sa pag-puslit at pag-distribute sa iba pang mga resellers at gustong mag-supply nito sa karating bayan.

Nilinaw din nito na wala umanong kahit na anumang rekord ang nasabing mga suspek sa kanilang himplan at tinutugis na rin ang iba pang mga kasama ng suspek.

Nakumpiska ng mga awtoridad ang humigit-kumulang 2,030 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na nasa ₱13,804,000.
Narekober din sa operasyon ang mga buy-bust money, mga cellphone, 1-backpack, 1-timbangan, 1-motorized banca na iniulat umano na ginagamit ng mga suspek sa pagpuslit ng mga iligal na droga.

Sa ngayon ay patuloy pa rin aniya ang drug-clearing operation ng mga kapulisan sa nasabing lalawigan upang masiguro na wala ng pakalat-kalat na mga illegal na gawain gaya na lamang ng pagbebenta nito.

Siniguro naman nito ang publiko lalong lalo na sa may mga nagbabalak na pasukin ang ganitong klaseng gawain na hangga’t maaga pa ay itigil na ang ganitong kalakaran at isuko ang sarili upang hindi na makaperwisyo pa ng iba.