IMG 20190610 190038

Nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa sa may-ari ng Wellmed Dialysis Center.

Una rito, nakipag-ugnayan at nagtungo mismo si Doctor Bryan Sy sa NBI matapos makaladkad ang kanyang pangalan sa isyu.

Paliwanag ng NBI, inaresto nila si Sy dahil nagpapatuloy pa rin kasi umano ang operasyon ng dialysis center na maikokonsiderang continuous crime.

Una rito, iginiit ng abogado ni Sy na si Atty. Roel Ilagan na malinis ang kanyang kliyente at lumutang lamang umano ang dalawang whistle blower dahil naiipit na ang mga ito.

Inakusahan niya sina Edwin Roberto, dating assistant manager ng Wellmed at Liezel Santos, cashier at dating Philhealth officer na nakabase sa Wellmed na siyang gumagawa ng anomalya at nang nasa alanganin nang kalagayan ay lumantad na.

Ibinunyag din niyang may relasyon ang dalawa na matibay na basehan ng sabwatan ng mga ito para gumawa ng kalokohan.