-- Advertisements --

Muling nagpadala ngayong araw (Oct. 24) ng forensic investigators ang National Bureau of Investigation (NBI) sa opisina ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nasunog nitong Miyerkules (Oct. 22).

Ito ay upang magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa electrical connections ng naturang opisina na itinuturong pinagmulan ng sunog.

Ayon kay Santiago, inisyal na natukoy ng mga imbestigador na pumutok na multiple octupos connections ang pinagmulan ng sunog.

Sa inisyal na pagsusuri ng mga forensic investigator ng NBI, nagawa nilang maglikom ng maraming bagay na maaaring makakapagturo kung sinadya o aksidente lamang ang nangyaring sunog.

Sa pamamagitan ng mga nalikom na ‘burned materials’, sinusuri na aniya ng mga NBI chemist kung mayroong flammable substance na posibleng inilagay sa lugar bago nagkaroon ng sunog.

Kinumpirma rin ni Santiago na mayroong mga nasunog na computer sa naturang opisina, kasama na ang maraming dokumento.

Gayunpaman, wala pang opisyal na bilang na inilalabas ng ang Bureau of Fire Protection (BFP) na nangangasiwa sa kabuuang imbestigasyon.

Tiniyak din ng NBI Chief na sa pagsasagawa ng BFP ng imbestigasyon sa lugar ay kasama lagi ang mga imbestigador na ipinadala ng kaniyang opisina.