ILOILO CITY – Sold out na ang ticket at ang mga official merchandise sa game 1 ng NBA Finals na gaganapin sa Scotiabank Arena ngayong araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Bombo international correspondent Bryan Flores na isang overseas Filipino worker (OFW) sa Toronto, Canada, kanilang inaabangan ang Game 1 dahil ito ang pinakaunang pagkakataon na makapasok sa NBA Finals ang Toronto Raptors kung saan makakarahap nila ang back-to-back champion na Golden State Warriors.

Ayon kay Flores, randam na rin ang NBA fever lalo na sa Scotiabank Arena na homecourt ng Raptors kung saan gaganapin ang Game 1.

Inaasahan ayon kay Flores na magiging masikip na ang downtown area kung saan makikita ang Scotiabank Arena.

Sa mga hindi naman makakapanood ng live sa Scotiabank Arena, maaaring makapanood sa Jurassic Park kung saan mayroong malaking TV screen para sa public viewing ng laro.

Liyamado naman sa pustahan ang Raptors, ngunit ayon kay Flores, bilog ang bola at hindi dapat maging kampante ang Warriors.