Nagbigay babala na ang Office of Civil Defense (OCD) sa mga residenteng naninirahan sa labas ng forecast track ng Bagyong Crising dahil sa maaaring lawak ng ‘hazard’ na dala ng naturang sama ng panahon sa bansa.
Ayon kay OCD Spokesperson Junie Castillo, hanggang Mindanao ay ramdam ang mga panaka-nakang pagulan na dulot ng habagat na siya namang mas pinalakas pa ng Bagyong Crising.
Ilang mga pagbaha na rin ang naiulat sa mga probinsiya ng Cebu bago pa man mag-landfall ang Crising sa hilagang bahagi ng Luzon.
Kasunod nito ay kasalukuyan nang itinaas ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa Red Alert Status ang buong bansa na siyang nangangahulugan na dapat tuloy-tuloy at dapat agaran ang magiging emergency response ng mga katuwang na ahensya sa ilalim ng NDRRMC.
Samantala, posible namang tumbukin ng bagyo ang mga lalawigan ng Isabela, Cagayan at ilan pang bahagi ng Northern Luzon.