Mabilis na nagpadala ng kanilang mga tauhan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Davao Region upang makapagbigay ng karagdagang assistance sa lokal na pamahalaan ng rehiyon bunsod ng lindol.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo S. Brawner Jr., agad na nagpadala ang kanilang hanay ng mga tropa upang tumulong sa humanitarian assistance at maging sa disaster response sa rehiyon para sa mabilis na pagaksyon at bilang pagtalima na rin sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Brawner, nakatutok ngayon ang kanilang hanay sa search and rescue operations sa rehiyon sa tulong na rin iba pang mga law enforcement agencies at lokal na pamahalaan.
Maliban naman dito ay magpapaabot din ng tulong ang AFP sa Office of Civil Defense (OCD) para sa pagsasagawa naman ng ground assessment sa Davao Oriental at mga karatig lalawigan na apektado nito.
Samantala, bagamat walang eksaktong bilang na ibinigay ang Sandatahang Lakas tiniyak ni Brawner na naipakalat na ang kanilang tauhan sa iba’t ibang bahagi ng Davao Region partikular na sa Davao Oriental habang patuloy na tumatanggap ng mga ulat mula sa kanilang mga tauhan sa ground para sa kasalukuyang lagay at sitwasyon lalawigan.