-- Advertisements --

Naisumite na raw ngayong linggo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isang resolusyon na nagrerekomendang isailaim sa state of calamity ang buong bansa dahil na rin sa pinsalang dulot ng Severe Tropical Storm Paeng.

Ayon kay NDRRMC Chair Jose Faustino Jr., nasa Pangulong Marcos na raw ngayon ang bola kung magdedeklara ito ng state of national emergency.

Una nang sinabi ng Pangulong Marcos na sa sandaling matanggap nito ang resolusyon ay agad niya itong pag-aaralan.

Kung maalala, sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Paeng ay nagbigay ng direktiba ng Pangulong Marcos sa NDRRMC na magsumite ng resolution para sa pagdedeklara ng national state of calamity sa loob ng isang taon depende na lamang kung ito ay tatapusin nang mas maaga.

Ang state of calamity ay magbibigay ng daan sa pamahalaan na maghanap ng karagdagang pondo para sa disaster relief aT magpatupad ng price freeze sa mga basic commodities.

Kanina lamang nang inihahag ni House Speaker Martin Romualdez na suportado nito ang rekomendasyon ng NDRRMC.

Sa pinakahuling situational report ng NDRRMC, nasa 48 na indibidwal na ang namatay dahil sa naturang bagyo habang halos isang milyon naman ang apektado ng bagyong Paeng.