-- Advertisements --

Muling nagpadala ng mga fighter jet ang North American Aerospace Defense Command (NORAD) upang salubungin ang isang eroplano ng Russia na namataan sa Alaskan Air Defense Identification Zone (ADIZ) nitong Linggo (araw sa Amerika) na ayon sa mga opisyal ikatlong beses nang nangyari sa loob lamang ng isang linggo.

Ayon sa ulat, isang Il-20 na eroplano ng Russia na ginagamit sa surveillance at reconnaissance ang nakita sa loob ng ADIZ.

Nabatid na noong Agosto 20 at 21 ng taong ito, nauna nang nagpadala ng F-16 jets ang U.S. upang tukuyin ang kaparehong modelo ng eroplano ng Russia na gumagala rin sa Alaskan ADIZ.

Bilang tugon, agad na ipinadala ng NORAD ang isang E-3 Sentry command and control aircraft, dalawang F-16 fighter jets, at dalawang KC-135 Stratotankers upang salubungin at kilalanin ang aircraft.

Nilinaw naman ng NORAD na nanatili ang eroplano ng Russia sa international airspace at hindi ito pumasok sa airspace ng Estados Unidos at Canada.

‘This Russian activity in the Alaskan ADIZ occurs regularly and is not seen as a threat,’ pahayag ng NORAD.

Ipinaliwanag din ng ahensya na ang Air Defense Identification Zone ay isang bahagi ng international airspace kung saan kinakailangan umanong matukoy ang lahat ng eroplano para sa national security nito.

‘NORAD remains ready to employ a number of response options in defense of North America,’ pagtitiyak ng NORAD.