Ibinahagi ng aktres na si Claudine Barretto sa social media nito ang kanyang pinagdaanang pagkaka-ospital kamakailan dahil sa depresyon, kasabay ng panawagan sa publiko na huwag agad humusga sa kalagayan ng iba.
Sa isang video na ipinost niya noong Agosto 24, makikitang yakap siya ng kanyang doktor at nakahiga sa kama ng ospital habang nilalambing ng kanyang anak na si Noah.
“Yes, this is what depression looks like. So please don’t judge. We all need more understanding and compassion,” ani Claudine sa caption.
Nagpaabot naman ng suporta ang ilang personalidad tulad nina Vilma Santos, Vina Morales, at Small Laude.
Matatandaang dati nang ibinahagi ng aktres na ilang beses siyang nagboluntaryong magpa-rehabilitasyon dahil sa post-traumatic stress disorder, at hindi sa isyu ng droga.
Nauna na rin niyang ikinuwento ang kanyang karanasan sa depresyon at sexual harassment.
Kahit may pinagdadaanan, aktibo pa rin si Claudine sa pagtulong sa kapwa, gaya ng pamimigay kamakailan ng pagkain at bigas sa mga biktima ng sunog sa Tondo, Maynila.