-- Advertisements --

Mariing itinanggi ng aktor na si Raymart Santiago ang mga paratang ng kanyang dating asawa na si Claudine Barretto na inuugnay siya sa umano’y pagdukot sa kanilang mga anak na sina Sabina, Noah, at Quia.

Sa isang pahayag kay Boy Abunda noong Lunes na ipinadala sa pamamagitan ng kanyang mga abogado na sina Atty. Maria Concepcion Jimenez-Aquino at Atty. Katrin Jessica Distor-Guinigundo, pinabulaanan ni Raymart ang mga akusasyong nag-uugnay sa kanya at sa dating personal assistant ni Claudine na si Marisol Acap sa insidente.

Ayon sa pahayag, batid umano ni Raymart ang mga naunang panayam ng dating biyenan niyang si Inday Barretto, gayundin ang mga nakaraang pahayag ni Claudine na nag-aakusa sa kanya ng pang-aabuso at pagnanakaw. Gayunman, iginiit ng kampo ng aktor na walang katotohanan ang mga paratang.

Dagdag pa ng mga abogado, pinili rin umano ni Raymart na huwag nang patulan o sagutin ang mga paratang bilang paggalang sa gag order na ipinatupad ng korte at nananatiling may bisa hanggang sa kasalukuyan.

Hinimok din ng kampo ni Raymart si Claudine na “iwasan ang paggamit sa kanyang impluwensiya, sa media, at sa iba pang plataporma upang sirain ang pangalan at reputasyon ng sinuman, lalo na ang aming kliyente.” Nanawagan din sila sa publiko na maging mas mapanuri sa pagbibigay ng opinyon, lalo na’t sensitibo at pribado ang usaping pampamilya.

Samantala, ayon kay Boy Abunda, isang source na malapit kay Claudine ang nagsabing naibalik na sa aktres ang mga bata noong Sabado ng gabi—ang parehong gabing inakusahan niya si Acap at ang ilang tagasuporta niyang tinatawag na “Team Baliwag” ng umano’y pagdukot sa kanyang mga anak sa isang Facebook Live.

Sa naturang livestream, sinabi ni Claudine na humingi na siya ng tulong sa mga awtoridad at binalaan na hahabulin niya si Acap kung hindi agad maibabalik ang kanyang mga anak. Binanggit din niya na umano’y natunton na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kinaroroonan ng kanyang dating personal assistant.

Ani Claudine, may isang tao din daw na nais siyang saktan, bagama’t hindi niya na ito pinangalanan.