Hindi tinutulan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel “Manny” Bonoan ang pag-aresto sa isang district engineer na sangkot umano sa bribery, kung talagang gumawa ito ng anomalya.
Ang reaksyon ay kasunod ng ulat na may inarestong tauhan ng kanilang kagawaran dahil sa tangka umanong panunuhol kay Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste.
Ayon kay Bonoan, sa ganung asal talaga ay hindi na dapat magdalawang isip na arestuhin at panagutin ang may sala.
“The recent allegations involving a district engineer assigned in Batangas are deeply concerning and are being taken very seriously. As public servants, we at the Department of Public Works and Highways (DPWH) do not condone any form of misconduct,” pahayag ni Bonoan.
Naniniwala ang kalihim na ang mga kahalintulad na pangyayari ay nakaka-apekto sa reputasyon ng kanilang opisina, bagay na hindi dapat pabayaang mangyari.
Kaya naman, aalisin sa kasalukuyang pwesto ang sangkot na opisyal at susupindehin sa lahat ng functions.
“We fully support the ongoing investigation by the proper authorities and stand firm in our commitment to transparency and integrity in public service. The individual involved will be relieved of his assignment, and preventive suspension will be implemented. We firmly believe that those found to have engaged in any wrongdoing must face the full consequences of their actions in accordance with the law,” wika pa ng kalihim.
Batay sa post ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson, nagtangkang manuhol ng hanggang P360 million ang nasabing district engineer kay Leviste.
Sa ngayon ay wala pang pahayag ang kampo ng inaakusahang opisyal ng DPWH sa Batangas.