-- Advertisements --

Umabot na sa walo ang bilang ng mga nasawi sa pagguho ng bundok ng basura sa Binaliw landfill sa Cebu City matapos marekober ang dalawang bangkay sa gitna ng search and rescue operations.

Patuloy namang pinaghahanap ang 28 pang indibidwal, habang tumutulong ang 38 tauhan ng Philippine Army mula sa 525th Engineering Battalion at CBRN Troops sa operasyon.

Ayon kay Councilor Dave Tumulak, may mga structural beam na nakaharang sa lugar kaya’t gumagamit ng angkop na kagamitan ang mga rescuer upang maalis ang sagabal.

Nilinaw din niya na nananatiling search and rescue mission ang operasyon at hindi pa ito tinuturing na recovery.

Samantala, iginiit ni Mayor Nestor Archival Sr. na dapat managot ang DENR sa mga paglabag sa regulasyon kaugnay sa landfill.

Binigyang-diin niya na hindi basta-basta maaaring ipasara ng lokal na pamahalaan ang pasilidad dahil may environmental clearance na inilabas ang DENR.

Ang landfill na pinapatakbo ng Prime Integrated Waste Solutions Inc. (PIWS) ay gumuho noong Enero 8, na ikinamatay ng mga manggagawa sa kabila ng mga reklamo at babala mula sa lokal na opisyal.

Dagdag pa ng alkalde, tungkulin ng DENR na manguna sa pag-imbestiga at pagdedesisyon sa operasyon ng pasilidad.