Nadagdagan pa ng 41 ang bilang ng mga namatay dahil sa pananalasa ng bagyong Odette sa bansa.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), dahil sa nadagdag ay tumaas pa ang bilang ng mga nasawi sa bagyong Odette na umabot na sa 367 katao matapos madagdagan ng 41.
Pero ayon sa NDRRMC, 44 pa lamang ang kumpirmadong patay kabilang ang naitala mula sa Palawan, Negros Occidental, Iloilo, Guimaras Bohol, Southern Leyte, Bukidnon at Misamis Oriental.
Ilan sa naging dahilan ng kanilang pagkasawi ang pagkalunod, nadaganan ng puno at debris.
Sa ngayon, kabuuang 62 katao pa ang nawawala habang nasa 732 naman ang napaulat na nasugatan dahil sa pinsalang iniwan ng bagyo sa Mindanao.
Nananatiling apektado ang nasa 3.5 million katao o mahigit 900,000 pamilya kung saan nasa halos 600,000 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa evacuation centers.
Samantala, sa latest assessment ng NDRRMC, humigit kumulang P3.9 billion ang pinsala sa imprastruktura at P2.09 billion naman ang nawala sa sektor ng agrikultura.