Hindi raw sigurado ngayon ang National Aeronautics and Space Administration (NASA) kung kaya nilang ilunsad ang kanilang bagong 30-story lunar rocket ngayong buwan.
Kasunod na rin ito ng pagpapaliban sa ikalawang pagkakataon sa tangkang rocket launch dahil pa rin sa fuel leak.
Ayon kay Jim Free, associate administrator for Exploration Systems Development ng NASA, ang kasalukuyang launch window ng NASA Artemis 1 mission sa buwan ay magtatapos na sa Martes at sa ngayon ay talagang “off the table,” na raw.
Pero ang posibleng susunod na launch window ay sa September 19 hanggang October 4.
Sakaling hindi na naman daw ito matutuloy ay isasagawa ang susunod na window sa October 17 hanggang 31.
Kung maalala, milyong katao sa buong mundo ang nag-abang sa live coverage para sa historic blastoff ng Space Launch System (SLS).
Pero nagkaroon ng leak malapit sa base ng rocket.
Umaasa naman ang NASA na ang Artemis 1 space mission na masusubukan ang SLS maging ang unmanned Orion capsule na nasa ibabaw ng rocket para sa paghahanda sa future Moon-bound journeys na mayroon nang mga astronaut na lulan nito.