-- Advertisements --

ILOILO CITY – Halos dalawang linggo ng naghihintay ng resulta ng kanilang swab test ang higit sa 80 na mga Overseas Filipino Workers na nasa quarantine facility na MV Pope John Paul II sa Metro Manila.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Allan John Echin ng Ajuy, Iloilo sinabi nito na Abril 16 pa nang dumating siya sa Metro Manila kasama ang iba pang mga Overseas Filipino Workers na halos isang buwan nang stranded sa nasabing barko.

Ayon kay Echin, ang Philippine Coast Guard ang nangasiwa ng pagsasagawa ng kanilang swab test noong Mayo 7 subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin nila natatanggap ang resulta maliban lang sa resulta ng swab test ng isa nilang kasama.

Ngayon ay nanawagan sila sa otoridad na ilabas na ang resulta ng kanilang swab test nang sa gayon ay makauwi na sila sa kani-kanilang mga probinsya.

Maliban rito ay wala namang problema sa akomodasyon nila sa barko dahil araw-araw silang binabantayan ng Philippine Coast Guard.