-- Advertisements --

Papalo na sa P1.6 billion ang naitalang danyos sa imprastraktura ng magnitude 7 na lindol na tumama sa Abra noong July 27.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), base sa kanilang latest situational report, nasa 1,519 ang na-damage na imprastraktura sa Ilocos Region, Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR).

Nagkakahalaga ito ng P1,593,861,827.

Karamihan sa mga na-damage na 770 infrastructure ay matatagpuan sa CAR na aabot sa P837,813,455.3.

Sinundan ito ng Ilocos region na mayroong 597 na napinsalang infrastructure na nasa P724,019,209 ang halaga.

Nasa 131 naman ang napinsalang imprastraktura sa Cagayan Valley na mayroong P32,029,162.81 ang halaga.

Aabot na rin sa 35,327 na kabahayan ang napinsala sa Ilocos Region, Cagayan Valley, CAR, maging sa National Capital Region (NCR) dahil sa lindol.

Sa naturang bilang aabot sa 34,699 na kabahayan ang partially damage habang 628 naman ang totally damaged.

Apektado sa naturang lindol ang 136,612 families o 502,462 katao sa 1,329 na mga barangay sa Ilocos Region, Cagayan Valley at CAR.

Pumalo na rin sa 368 ang displaced families o 1,310 na mga indibidwal ang nananatili pa rin sa 20 evacuation centers.

Samantala, 14,401 displaced families o 52,028 individuals ang naninirahan sa labas ng evacuation centers.

Ayon sa NDRRMC, iniulat din umano ng Department of Agriculture (DA) na nasa P33,227,895 ang danyos sa agriculture sector sa Cordillera habang ang report naman ng National Irrigation Administration ay nasa P22,700,000 ang halaga ng pinsala nito sa Ilocos Region at CAR.

Umabot na rin sa 11 ang namatay at 574 naman ang nasaktan.