CEBU CITY – Nasa ligtas nang kalagayan ang 16 na crew member ng M/V Good Fortune matapos na magkaaberya sa dagat ang mismong barko nito sa Maasin, Southern Leyte at Bohol.
Una nito, humingi ng saklolo ang isang crew sa pamamagitan ng Facebook Live kung saan rumagasa ang tubig-dagat sa loob ng barko at nagsuot ng life vest ang mga kasama nito.
May kargang 1,600 na toneladang semento ang M/V Good Fortune at bumyahe ito kahapon mula sa Naga City, Cebu, ngunit na-stranded sila sa gitna ng dagat matapos na pumalya ang makina ng barko at naabutan ng malakas na alon.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG)-7 spokesperson Commander Alvin Dagalea, agad rumesponde ang mga nasasakupan nito matapos nilang matanggap ang saklolo mula sa mga crew member.
Ligtas nang nakabiyahe ang barko at kasalukuyan itong nakadaong sa isang pantalan sa Ubay, Bohol.
Dagdag pa ni Dagalea na aayusin muna ng mga crew ang MV Good Fortune habang nakaangkla ito sa nasabing pantalan.
Payo ng PCG sa mga nag-o-operate ng mga barko na huwag munang bumiyahe lalo na at nararanasan ng bansa ang masamang lagay ng panahon na dala ng Bagyong Quinta.