Sa gitna ng tumitinding aktibidad ng Bulkang Taal, tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na handa ang Field Office – CALABARZON nito na magbigay ng kinakailangang tulong sakaling magkaroon ng sakuna.
Ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao ng DSWD Disaster Response Management Group (DRMG), aktibong mino-monitor ng mga disaster response teams ng Central Office at Field Office sa CALABARZON ang sitwasyon sa pakikipag-ugnayan sa mga kaukulang local government units (LGUs) at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Aniya, paunang tugon ito ng kagawaran sa naging babala ng PHIVOLCS (Philippine Institute of Volcanology and Seismology) para sa Bulkang Taal. Ayon sa PHIVOLCS, maaaring sumabog ang Taal dahil sa pagtaas ng real-time seismic energy measurement at mababang antas ng sulfur dioxide emission ng bulkan simula pa noong Hunyo.
Sa DSWD CALABARZON pa lamang, mayroon nang 207,408 kahon ng family food packs at 13,178 non-food items na naka-preposition sa iba’t ibang storage facilities.
Dagdag pa ni Dumlao, naka-standby na rin at handang i-deploy anumang oras ang mga kasapi ng Disaster Response Management Bureau’s Quick Response Team kasama ang mga kagamitang pang-emergency, kung kinakailangan.
Nagpaalala rin si Dumlao sa mga residente na malapit sa Taal lake na manatiling alerto at maging mapagmatyag sa posibleng pagsabog, at makipagtulungan sa kanilang mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kanilang kaligtasan.