Naglunsad ang Department of Agriculture (DA) ng dalawang araw na forum na layong hikayatin ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Hong Kong at Macau na pumasok sa agribusiness bilang reintegration strategy pag-uwi nila sa Pilipinas.
Ang “Usapang Agribiz: Forum on Agribusiness Opportunities in the Philippines” ay isinagawa noong Hunyo 28 sa Macau at Hunyo 29 sa Hong Kong, na dinaluhan ng kabuuang 214 participants (87 sa Macau at 127 sa Hong Kong).
Bahagi ito ng mas malawak na adbokasiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kilalanin ang mga OFW hindi lamang bilang economic contributors kundi bilang potensyal na tagapagtaguyod ng food security at rural development.
Pinangunahan ito ni DA Assistant Secretary Genevieve Velicaria-Guevarra, kung saan ibinahagi niya ang suporta ng pamahalaan sa mga OFW na nais magsimula ng sariling negosyo sa agrikultura.
Tinalakay din sa forum ang mga oportunidad sa livestock, high-value crops, training programs, loan at credit facilities, at crop insurance mula sa iba’t ibang sangay ng DA tulad ng Bureau of Animal Industry, Agricultural Training Institute, at Agricultural Credit Policy Council.
Ayon sa DA, patuloy silang magbibigay ng technical assistance, mentorship, at market access para sa mga interesadong OFW.