Inilabas na ng Houthi rebels ang video sa kanilang pag-atake at pagpapalubog sa Liberia-flagged Bulk Carrier na Eternity C sa Red Sea noong Lunes, Hulyo 7 na ikinasawi ng tatlong katao.
Makikita sa video ang mga inilunsad na missiles ng Houthis hanggang sa ilang serye ng pagsabog sa cargo ship na nagpalubog sa barko. Makikita din ang ilang armadong kalalakihang sumampa sa barko at pinakita din ang mga pinsalang natamo ng cargo ship.
May lulang 25 crew ang naturang cargo ship nang tamaan ng inilunsad na ballistic at cruise missiles ng Houthis na matinding puminsala sa barko. karamihan sa mga crew na sakay ng inatakeng cargo ship ay 21 na Pinoy seafarers at mayroon ding Russian national na matinding nasugatan at nawalan ng paa.
Patuloy naman ang paghahanap sa 15 tripulante na napaulat na nawawala kasunod ng pag-atake. Nauna na ngang nasagip ng mga rescuer ang anim na seafarers matapos ang isang araw na pagkakababad ng mga ito sa tubig.
Lumabas naman ang taliwas na mga ulat kaugnay sa kapalaran ng iba pang nakaligtas sa pag-atake.
Sa panig ng US Embassy sa Yemen, sinabi nito na kinidnap ng Houthis ang ilang mga nakaligtas na crew members ng cargo ship subalit sa panig naman ng Houthis, dinala umano nila ang hindi tukoy na bilang ng mga tripulante patungo sa isang ligtas na lugar.
Ang Eternity C ang ikalawang barko sa loob ng dalawang araw na pinalubog ng Houthis at pang-apat kasunod ng pag-atake ng rebeldeng grupo sa MV Magic Seas, MV Rubymar at MV Tutor.
Nauna ng inako ng Houthi rebels ang pag-atake sa Eternity C dahil patungo umano ito sa Israel.
Maaalalang nag-ugat ang mga pag-atake ng Houthis sa mga barkong may kaugnayan sa Israel na dumadaan sa Red Sea, bilang pakikisimpatiya sa kanilang kaalyadong Palestinian rebel group na Hamas sa Gaza na nakikipaglaban naman kontra sa Israel.