NAGA CITY – Hinihintay na lang umano ngayon ng Alkalde ng lungsod ng Naga ang pormal na imbistasyon sa programa ng United Nation Social and Economic Commission for Asia and Pacific.

Sa pagharap sa mga kagawad ng media ni Mayor Nelson Legacion, sinabi nitong nalaman umano niya ang nasabing aktibidad sa website ng League of Cities of the Philippines matapos na i-post ang kanyang pangalan kasama ng dalawa pang alkalde na napiling makiisa sa Asia Pacific’s Mayor Academy na binuo ng UN.

Sentro umano ng magiging aktibidad ang sustainable development goals lalo na sa mga lokal na gobyerno na pinamumunuan ng mga local chief executives.

Kinilala ang dalawa pang kasamahan ni Legacion na si Gina Lizares ng Sipalay City at Brian Lim ng Dagupan City.

Napag-alaman rin na ngayon umanong Oktubre isasagawa ang aktibidad sa bansang Malaysia, sunod sa Thailand at sa darating naman na Pebrero sa Abu Dhabi.