Nanawagan ang United Nations Special Rapporteur on Freedom of Opinion and Expression na si Irene Khan sa pamahalaan ng Pilipinas na muling sumali sa International Criminal Court (ICC) at ratipakahan ang International Convention for Protection of All Persons from Enforced Disappearance.
Ang naturang pahayag nito ni Khan ay naganap matapos ang ika-59th session ng UN Human Rights Council, kung saan binigyang-diin ni Khan ang kahalagahan ng mga kasunduan para mapalakas ang pag-protekta sa karapatang pantao at kalayaan sa pamamahayag ng bansa.
Binatikos din niya ang patuloy na red-tagging,harassment, at pananahimik sa mga mamahayag, aktibista, at miyembro ng civil society. Ayon sa mga ulat, mahigit 450 kaso ng red-tagging ang naitala sa unang kalahati ng 2024, karamihan ay mula sa mga tauhan ng pamahalaan.
Nanawagan si Khan sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maglabas ng executive order na tahasang kinokondena ang red-tagging at parusahan ang mga sangkot dito. Hinimok din niyang palayain ang mga biktima ng di-makatarungang pagkakakulong at ituloy ang mga imbestigasyon sa mga kaso ng pagpatay at sapilitang pagkawala ng mga ito.
Bagamat kinilala niya ang ilang positibong hakbang ng gobyerno mula 2022, sinabi niyang hindi ito sapat upang tuluyang wakasan ang nakasanayang gawain ng bansa.