MUNICH, Germany – Pansamantalang isinara ang Munich Airport sa Germany matapos mamataan ang magkakasunod na paglipad ng mga hindi pa natutukoy na drone sa lugar.
Kanselado ang 17 flights bandang alas-10 ng gabi noong Huwebes, habang hindi bababa sa 3,000 pasahero ang naapektuhan ng insidente.
Kaugnay nito, 15 papasok na flights ang hindi nakalapag sa Munich Airport at inilipat sa mga kalapit na paliparan.
Alas-5 ng umaga nang muling buksan ang paliparan matapos masiguro ng mga awtoridad na ligtas na ito mula sa banta ng mga namataang lumilipad na drone.
Ayon kay Danish Prime Minister Mette Frederiksen, bagama’t hindi pa matukoy ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng pagpapalipad ng mga drone, malinaw umano na may banta sa Europe – at ito ay ang Russia.
Pinabulaanan naman ito ng Kremlin, kung saan iginiit nilang wala silang kinalaman sa mga insidente at wala rin umano silang nilabag na batas sa himpapawid ng Estonia.
Samantala, matatandaang naganap din ang kaparehong insidente sa ilang paliparan sa Denmark, dahilan upang ipagbawal ng bansa ang lahat ng pagpapalipad ng drone sa kanilang himpapawid.
Kaugnay ito ng ginagawang paghahanda ng Denmark para sa summit ng mga lider ng Europa sa Copenhagen ngayong linggo, kung saan tatalakayin ang pagpapalakas ng seguridad sa rehiyon at ang patuloy na suporta sa Ukraine laban sa Russia.