Nanawagan ang Philippine Medical Association (PMA) sa gobyerno na pahintulutan muli ang paggamit ng Dengvaxia sa mga pasyente na nagnanais maturukan nito at ang mga mayroon nang exposure sa sakit na dengue.
Dahil kinikilala na ng World Health Organization ang paggamit ng naturang bakuna bilang preventive measure, inirerekomenda ng PMA na ibigay ito sa mga indibidwal na interesado, “willing” at batid ang mga benepisyo at posibleng panganib na hatid ng Dengvaxia.
“Clinical trials and studies have shown that the dengue vaccine will help individuals who had previous dengue infection from getting severe disease,” saad ng PMA sa isang kalatas.
Pero iginiit ng grupo na dapat ibigay lamang ang bakuna sa siyam na taong gulang pataas at nakaranas na ng dengue infection sa nakaraan.
Nabatid na sa ngayon, 208,917 na ang bilang ng mga nagkaka-dengue kung saan 882 ang tuluyang binawian ng buhay hanggang noong Agosto 10.
Mahigit doble ito sa 102,298 cases na may 540 deaths na naitala sa kaparehas na period noong nakaraang taon.