-- Advertisements --

Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na 12 katao na ang binawian ng buhay dahil sa mga pagbahang nararanasan sa malaking parte ng bansa dahil sa mabibigat na pag-ulan simula nang manalasa ang bagyong Crising at pinaigting na habagat.

Ayon kay PNP chief information officer Brig. Gen Randulf Tuaño, karamihan sa mga nasawi ay dahil sa pagkalunod kung saan lima sa kanila ay naiulat sa CALABARZON habang tatlo naman sa Negros Island Region.

Dalawa pa sa mga biktima sa kalamidad ay mula sa MIMAROPA, at Metro Manila.

Base sa PNP official, ang dalawang pang nasawi ay nabagsakan ng puno sa Northern Mindanao at sa BARMM.

Samantala, mayroong limang katao ang napaulat na nawawala pa rin dahil sa mga pagbaha sa Metro Manila, 3 mula sa Western Visayas at isa sa CALABARZON.

Base naman sa datos ng pambansang pulisya nitong gabi ng Martes, Hulyo 22, umabot na sa mahigit 144,000 indibidwal mula sa mahigit 39,000 pamilya ang kasalukuyang nasa evacuation centers sa iba’t ibang parte ng bansa matapos silang ilikas bunsod ng matinding mga pagbaha.

Kaisa din ang PNP sa nagsasagawa ng search and rescue operations sa mga apektado ng kalamidad kung saan apat mula sa 12 napaulat na nasawi sa sakuna ay na-rekober ng police search and rescue teams.

Iniulat din ni Tuaño na may halos 300 kapulisan ang naapektuhan ng mga kalamidad.