-- Advertisements --

Kasalukuyang naka-heightened alert ang lahat ng 44 na paliparang inooperate ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa gitna ng masungit na panahon bunsod ng bagyong Crising.

Kaugnay nito, inatasan na ni CAAP Director General Lt. Gen. Raul del Rosario ang lahat ng area at airport managers sa mga rehiyong posibleng maapektuhan ng sama ng panahon, na i-activate ang kanilang Airport Emergency Plans nang walang pagkaantala at masusing makipag-ugnayan sa local Disaster Risk Reduction and Management Councils (DRRMCs), airline operators at iba pang airport stakeholders para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero, pasilidad at patuloy na kahandaan sa operasyon.

Ginawa ang naturang hakbang alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Transportation Sec. Vince Dizon na tiyakin ang kaligtasan ng publiko at panatilihin ang walang pagkaantalang mga serbisyo sa transportasyon sa kasagsagan ng pagbayo ng masamang lagay ng panahon.

Sa ngayon, puspusan na rin ang isinasagawang paghahanda ng Bicol Region na may mga lugar na pinakaapektado ng bagyong Crising partikular na sa mga paliparan sa Legazpi, Naga, Virac at Masbate.

Nauna ng iniulat ng state weather bureau na bahagyang lumakas ang bagyo habang patuloy itong kumikilos pa-hilagang kanlurang direksiyon sa silangang karagatan ng Bicol Region.