BAGUIO CITY – Nagbubunyi ang Filipino Muay Thai fighters na sina Joemar Gallaza mula Iloilo City at Jaerome Callica mula Baguio City dahil bahagi na sila ng “Philippine Gold Party” matapos magkampeon sa Muay Thai Duo ng 30th South East Asian (SEA) Games.

Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa 29-year-old athlete na si Gallaza, ibinahagi nito ang paghihirap nila sa training dahil nakaranas ito ng 15-day injury habang nagsasanay.

“Habang nasa training po kami, na-injury po ako dun ng 15 days meron kaming ginawang stunt na nabali yung tuhod ko. 15 days po ako nagpahinga eh medyo napanghihinaan ng loob kasi nakita ko yung kasama ko nanghihina na rin yung loob niya dahil na-injury ako ng 15 days,” saad nito.

Inihayag din nito na sa araw ng kompetisyon ay wala na silang ibang inisip ng kanyang partner kundi makuha ang inaasam na gold medal para sa Pilipinas.

“Iniisip ko po na makukuha ko po yung gold dahil alam namin na yung piyesa namin, yung galaw namin, ay perfect na wala na akong iniisp na injury nandun na matatalo namin lahat yun. Yun po yung iniisip ko sa event”.

Nakamit ng Muay Thai tandem ang score na 9.59 sa nasabing kategorya.