-- Advertisements --

Nagpapatuloy ang ikinakasang imbestigasyon ng Police Regional Office 3 (PRO3) upang matukoy ang motibo ng suspek sa pamamaril sa 15 anyos na dalagita sa loob mismo ng silid-aralan sa Nueva Ecija.

Ayon kay PRO 3 Director PBGen. Ponce Rogelio Penones, nagtungo lamang sa loob ng silid-aralan si alyas “Leo” upang puntahan ang biktima na si alyas “Lea”.

Batay sa mga nakasaksi sa insidente, bigla na lamang bumunot ng Calibre 22 ang suspek at itinutok sa biktima tsaka niya ito binaril na siya namang tumama sa leeg ng biktima kung saan matapos nito ay nagbaril din sa kaniyang sarili ang suspek.

Agad naman na tumawag ng ambulansya at dinala sa ospital ang dalawa para sa paunang lunas. Sa ngayon ay hindi na muna nagbigay ng impormasyon ang mga otoridad hinggil sa kanilang kasalukuyang kalagayan.

Maliban naman sa motibo sa krimen ay inaalam na rin kung paano naipuslit ng suspek ang baril sa loob ng school premises na siyang mahigpit na ipinagbabawal.

Samantala, naglabas naman na ng pahayag ang Department of Education (DepEd) kaugnay rito at sinabi na mariing nilang kinokondena ang insidente.

Kasunod nito ay tiniyak ng DepEd na agad silang magpapaabot ng psychosocial support at critical incident stress debriefing sa mga naapektuhang estudyante at staff sa paaralan.

Nauna naman dito ay ikinabahala ng PRO 3 ang pangyayari at tiniyak na patuloy na magpapaabot ng seguridad at assistance sa emotional at psychological well-being ng mga estudyante at kabataan.