Aktibo na ang tatlong adaptive traffic signal lights sa mga intersection ng C3 Road, España Boulevard, at Ramon Magsaysay Blvd, bilang bahagi ng layunin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mapabuti ang daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Ang mga bagong traffic lights ay pormal na itinurn-over ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation sa MMDA ngayong araw.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, makikinabang sa mga adaptive traffic signals ang mahigit 143,000 motorista araw-araw na dumaraan sa mga nasabing kalsada.
Ipinaliwanag ni Artes na dati ay mano-manong mino-monitor ang trapiko kapag walang signal lights, bagay na delikado lalo na sa gabi kung saan wala nang traffic enforcers. Kaya’t malaking tulong ang bagong sistema para maiwasan ang aksidente at pagsisikip sa kalsada.
Dagdag pa ni Artes na 90% na ng traffic lights sa ilalim ng MMDA ay naka-adaptive system na. Patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan ang MMDA sa mga lokal na pamahalaan upang isama ang kanilang traffic lights sa adaptive signaling system at tuluyang mai-integrate ito sa buong Metro Manila.
Samantala, tiniyak naman ni Artes sa publiko na handa silang maglaan ng mga kagamitan at tauhan para sa NLEX Corporation upang magamit sa pagsasaayos ng North Luzon Expressway o NLEX dahil sa naging matinding baha kamakailan.
Matatandaan na nagsimula ngayong linggo ang pag-repair sa expressway lalo na sa bahagi ng Valenzuela at Meycauyan, Bulacan. Magkakasama ang DOTr, DPWH, NLEX Corporation at iba’t ibang local government unit na sakop ng expressway.