-- Advertisements --

Ipinahayag ng beauty queen at TV personality na si MJ Lastimosa ang kanyang pagkadismaya sa mga mambabatas na nagbigay ng standing ovation sa bahagi ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung saan tinuligsa nito ang korapsyon sa mga proyekto para sa flood control.

Sa kanyang post sa X (dating Twitter), sinabi ni Lastimosa: “Taray ng mga congressmen na naki standing ovation sa flood control misused budget part ng SONA. Kunwari di sila tinamaan. Emeee!!.”

Maalalang binanatan ni Marcos Jr. sa kanyang SONA noong Lunes, ang mga tiwaling opisyal na sangkot sa maanomalyang flood control projects at binalaan silang kakasuhan ng kanyang administrasyon.

Aniya, “Mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino… lalo na sa mga anak nating magmamana sa mga utang na ginawa n’yo.”

Ang pahayag ay sinundan ng palakpakan at pagtayo ng maraming mambabatas sa plenaryo ng Batasang Pambansa.

Samantala, naghayag din ng pagkabahala ang aktres na si Carla Abellana sa umano’y kakulangan ng transparency sa paggamit ng P13.8 million na ayudang ibinigay ng Estados Unidos para sa mga biktima ng pagbaha sa Pilipinas.