Nagsagawa ang Russian nuclear-capable bombers ng scheduled flight sa Norwegian at Barents Seas.
Ayon sa Russia Defense Ministry, ilang Tu-95MS strategic bombers at missile carriers ang nagsagawa ng naturang flight at pinanatili ito sa neutral waters na sakop ng dalawang nabanggit na karagatan na parehong nasa hilagang bahagi ng Russia.
Tiniyak din ng ministry na ang pagpapalipad sa mga long-range bomber ay alinsunod sa mga itinatakda ng international law.
Nakasaad pa sa ulat ng Russian government na ilang fighter jets mula sa ibang mga bansa ang sumubaybay sa kanilang flight, ngunit hindi naman ito nagdulot ng tension.
Ang mga naturang bansa ay nagpadala rin umano ng kanilang sariling fighter jets upang buntutan ang mga Russian aircraft.
Sa ngayon, wala pang inilalabas ang Russia na detalye kung anong bansa ang bumuntot sa mga fighter jet nito.
Kung babalikan ang nauna nang pahayag ng Japan at South Korea sa unang bahagi ng Disyembre, sinabi ng dalawang bansa na nagpalipad ang Russia ng ilang Tu-95 bomber sa kanilang teritoryo, kabilang na sa himpapawid na sakop ng Sea of Japan at Eastern seabord ng China.









