-- Advertisements --

Personal na nagtungo ang kasalukuyang hepe ng Pambansang Pulisya na si Acting Philippine National Police PLTGEN Jose Melencio Nartatez Jr. sa isang ospital sa Candelaria, Quezon para bisitahin ang sugatang pulis.

Kanyang dinalaw upang kumustahin ang pulis na sugatan buhat nang makaharap sa engkuwentro ang ilang armadong indibidwal habang nagpapatrolya.

Naganap ang engkuwentro sa Barangay Road kalapit ng Sitio Pulyok sa Barangay San Isidro, Candelaria, Quezon kung saan isa sa mga suspek ay nagpaputok ng baril.

Dalawa sa mga pulis ang sugatan nang kanilang ipagtanggol mga sarili habang isa naman ay nasawi sa insidente.

Dahil rito’y personal na binisita ng hepe ng Pambansang Pulisya ang mga pulis sa ospital at ginawaran ng Medalya ng Sugatang Magiting at Medalya ng Kadalikalaan bilang pagkilala sa ipinamalas sa trabaho at tungkulin.

Tiniyak rin na agad silang mabibigyan ng tulong-pinansyal para makatulong sa kanilang gamutan at pagpapagaling.

Habang nagbigay ng huling paggalang naman ang naturang opisyal kay Patrolman Ron Jay Chavez ng 2nd Quezon Provincial Mobile Force Company, na idineklarang dead on arrival matapos ang engkuwentro.