KORONADAL CITY- Nagpapatuloy sa ngayon ang paghahanap ng mga otoridad sa driver ng isang cement mixer truck na pag aari ng Bre-Construction na umararo sa 7 na mga sasakyan sa Tamontaka Bridge na nasa boundary ng Cotabato City at Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Sa ipinaabot na impormasyon ng Bombo Radyo Koronadal, kabilang sa mga nasirang sasakyan ay isang taxi, isang kotse, passenger van, townace, dalawang SUV at isang Bongo truck.

Tumakas naman ang di pa nakikilalang driver ng mixer truck bago pa man makarating ang mga otoridad sa mismong pinangyarihan ng aksidente.

Lumalabas sa imbestigasyon ng PNP na nawalan umano ng Preno ang Mixer truck kaya’t bumangga ito sa 7 na mga sasakyan.

Nagdulot naman ng mabigat na daloy ng trapiko ang aksidente matapos na pansamantala isinara ang naturang tulay para bigyan daan ang imbestigasyon ng mga otoridad.

Gayunman, wala namang malubhang nasaktan sa naturang aksidente.