Umakyat sa 38 ang bilang ng mga nawawala matapos tumama ang magnitude 7.8 na lindol sa ilang bahagi ng Mindanao, mula sa dating 31, habang nananatili sa 47 ang kumpirmadong nasawi hanggang Huwebes ng gabi, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Ayon kay Civil Defense Deputy Administrator Bernardo Rafaelito Alejandro IV, nadagdagan ang bilang ng mga missing matapos makatanggap ng panibagong ulat mula sa Glan, Sarangani at General Santos City.
Patuloy namang bineberipika ng Department of Health at Department of the Interior and Local Government ang bilang ng mga nasawi upang maitugma ito sa iba pang ulat ng pamahalaan.
Nilinaw ni Alejandro na ang tala ng OCD ay dumaan sa masusing double-checking upang maiwasan ang dobleng bilang o ang pag-uulat ng mga nawawala bilang patay.
Samantala, nananatiling pahirapang marating ang mga baybaying lugar ng Glan, Jose Abad Santos sa Davao Occidental, at Balut Island dahil sa mga pagguho ng lupa dulot ng lindol.
Patuloy naman ang clearing operations ng Department of Public Works and Highways habang gumagamit ang mga awtoridad ng helicopter at mga sasakyang-pandagat upang maihatid ang tulong sa mga apektadong komunidad.
Sinabi ng OCD na susuriin muna ang sitwasyon sa mga lugar bago magpasya kung ipagpapatuloy ang search and rescue operations o lilipat na sa retrieval operations sa mga susunod na araw.
















