-- Advertisements --

Personal na binisita ni Vice President Sara Duterte nitong Linggo ang mga residente na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao upang alamin ang kanilang kalagayan at pangangailangan.

Sa isang pahayag sa social media, sinabi ni VP Sara na una niyang pinuntahan ang Barangay Nuing sa Jose Abad Santos upang personal na kamustahin ang mga apektadong pamilya at tiyaking maihahatid ang kinakailangang tulong sa komunidad.

Ayon sa Office of the Vice President (OVP), nagkaloob din ang Bise Presidente ng ayuda sa mga residenteng naapektuhan ng malakas na pagyanig.

Matapos ang pagbisita sa Davao Occidental, nagtungo naman si Sara Duterte sa Sarangani Municipal Hospital at sa isang evacuation center sa Barangay Mabila sa Balut Island upang suriin ang kalagayan ng mga evacuee at mga pasyenteng naapektuhan ng sakuna.

Nagpunta rin ang Ikalawang Pangulo sa Glan, kung saan nakipagpulong siya sa mga pamilyang lumikas at pansamantalang nanunuluyan sa Glan Tent City evacuation site. Binisita rin niya ang mga pasyenteng ginagamot sa Philippine Emergency Medical Assistance Team Field Hospital.