-- Advertisements --

Magpapatupad na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng Emergency Cash Transfer (ECT) program para sa mga pamilyang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa bahagi ng Sarangani at mga karatig lugar noong Hunyo 8.

Ayon sa DSWD, sisimulan ang pamamahagi ng cash assistance ngayong Martes, Hunyo 23, sa mga apektadong lugar sa Davao Occidental, Sarangani, at General Santos City.

Kabilang sa mga makatatanggap ng tulong ang mga pamilya mula sa Glan at Malapatan sa Sarangani, General Santos City, at sa mga bayan ng Balut Island at Jose Abad Santos sa Davao Occidental.

Nabatid na ang programa ay bahagi ng early recovery program ng ahensya kung saan layunin nilang matulungan ang mga pamilya na makabangon, makapag-ayos ng kanilang mga nasirang bahay, at makabili ng mga pangunahing pangangailangan.

Ayon sa DSWD, naipamahagi na ang mga food packs at non-food items sa mga unang araw ng kalamidad kaya’t cash assistance naman ang susunod na hakbang para sa recovery phase.

Batay sa datos ng ahensya, aabot na sa mahigit 84,000 bahay ang naitalang partially at totally damaged dahil sa lindol.

Tinatayang mahigit 139,000 pamilya mula sa Regions 11 at 12 ang makatatanggap ng tulong, na may kabuuang pondong aabot sa higit P799 million.

Samantala, patuloy pa ring nakatutok ang DSWD sa pagtulong sa mga apektadong komunidad. May sapat naman daw pa silang pondo at naka-preposition na mga relief goods para sa tuloy-tuloy na operasyon ng ayuda.