LEGAZPI CITY – Walang pagsidlan ang tuwang nararamdaman ng Bicolana beauty matapos na masungkit ang isa sa pinakamataas na titulo sa isinagawang Miss Philippines Earth coronation kahapon.
Sa Facebook Live interview ng newly-crowned Miss Philippines Earth Air na si Patrixia Santos, tubong Daraga, Albay, abot-tenga aniya ang ngiti nito habang todo-pasasalamat din sa mga sumuporta sa pageant journey.
Hindi na rin aniya ito makapaghintay na makauwi sa Albay upang ibahagi sa mga kababayan ang korona ng tagumpay.
Samantala, mananatiling bukas si Patrixia na muling sumabak sa iba pang national pageants at ituloy ang kampanya laban sa stigma sa mga taong may HIV at coronavirus subalit tututukan muna ang pagsalang sa Bar exams sakaling matuloy sa taong 2021.
Nabatid na ngayong taon ang unang beses na Miss Philippines Earth sa pamamagitan ng online at unang local pageant na itinuloy hanggang sa finals sa kabila ng pagsailalim ng bansa sa lockdown dahil sa coronavirus pandemic.
Una rito, kinoronahan bilang Miss Philippines-Earth 2020 si Roxanne Allison Baeyens ng Baguio City; Miss Philippines Fire si Shane Tormes ng Atimonan, Quezon; Miss Philippines Water: Gianna Llanes, Mandaluyong City at Miss Philippines Eco-Tourism: Illysa Mendoza, Fil-Melbourne, Australia.