CAGAYAN DE ORO CITY – Gusto na rin ng provincial government na malagay sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Misamis Oriental kung madadagdagan pa ang kaso ng COVID-19 Delta variant na unang naitala sa Gingoog City.
Ito ang inihayag na pangamba ni Misamis Oriental Gov. Bambi Emano matapos nagpositibo ng COVID-19 ang dalawa sa direktang contact ng Delta variant carrier na isang bank employee na nakabase sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Emano na hindi na sila magdadalawang isip na hingin sa Inter-Agency Task Force -national na ilipat sila sa ECQ mula sa general community quarantine kung sakali na mayroon pang Delta variant positive mula Misamis Oriental na ilalabas ang Philippine Genome Center.
Sinabi ng gobernador na napagkasunduan na nila ito ng local-IATF kung saka-sakali na mapasukan pa ng sobrang bangis na uri ng bayrus ang probinsya.
Magugunitang una nang humingi ng karagdagang mga bakuna sa IATF ang probinsya bilang pangtapat sa patuloy na transmission ng virus na tumama na sa buong lalawigan.