(Update) BACOLOD CITY – Nakakulong na ang mister na pumatay sa kanyang misis sa harap mismo ng kanilang mga anak sa Murcia, Negros Occidental.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Major Robert Dejucos, hepe ng Murcia Municipal Police Station, inamin umano ng biktimang si Alona Hibong na anak niya sa ibang lalaki ang kanilang bunso na siyam na buwan pa lamang ngayon.

Ayon sa hepe, Pebrero 7 pa lamang, sumama na ang loob ng mister na si Rengie Hibong dahil pumunta sa lugar ng Salvador Benedicto ang kanyang misis na hindi nagpaalam.

Makaraan ang apat na araw, umuwi ang biktima sa kanilang bahay sa Sitio Kinabong 3, Barangay Minoyan, Murcia ngunit hindi ito kinompronta ng kanyang mister.

Pebrero 15, inamin umano ng misis na may iba itong lalaki at nabuntis kung saan nagong bunga ang kanilang bunso.

Sa halip na humingi ng tawad, tinakot pa umano ng misis na papatayin nito ang kanyang mister kaya’t hindi napigilan ng suspek na ito ay saksakin nang maraming beses sa harap ng kanilang mga anak.

Halos hindi na makilala ang biktima matapos mawasak ang kanyang bungo, nahiwalay ang kanyang binti at tadtad din ng taga ang kanyang mga kamay.

Tatakas pa sana ang suspek ngunit dahil kinonsensya ito, kaagad itong sumuko sa Salvador Benedicto Municipal Police Station na siyang nag-turn-over sa kanya sa Murcia Police Station.

Sa ngayon, nasa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang mga anak ng mag-asawa.