-- Advertisements --

Nananawagan si Senator Paolo Benigno “Bam” Aquino ng masusing imbestigasyon at idinemand na panagutin ang mga nasa likod ng chemical leak sa Antique.

Sa isang statement, sinabi ng Senador na dapat may managot matapos na nasa 286 na mag-aaral mula sa Pis-anan National High School ang isinugod sa ospital makaraang mahilo at magsuka nang makalanghap ng nakalalasong kemikal.

Hinimok din ng mambabatas ang Department of Health na magbigay ng agaran at sapat na tulong sa probinsiya ng Antique upang matugunan ang pangangailangang pangkalusugan ng mga naapektuhang estudyante.

Ayon pa sa Senador, dapat na tiyakin ng pamahalaan na protektado ang mga estudyante dahil sila ay nakakaranas ng mga pasakit bunsod ng krisis sa edukasyon sa bansa.

Matatandaan noong araw ng Miyerkules, napaulat na isinugod ang daan-daang mga estudyante mula sa dalawang eskwelahan sa Sibalom matapos makalanghap ng umano’y nabubulok na tulad ng mabahong bayabas.

Sa kabutihang palad, ayon naman sa DOH, walang naitalang nasawing estudyante sa insidente.

Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang Western Visayas Center for Health Development sa probinsiya ng Antique para maaksyunan ang naturang insidente.