CAGAYAN DE ORO CITY – Tuluyang nagdeklara ang buong Misamis Oriental ng total ban sa importasyon ng karneng baboy galing sa Luzon area.

Ito’y alinsunod na rin sa pakiusap ng ilang mga nag-aalaga ng baboy na natatakot silang makapasok sa lalawigan ang African swine fever (ASF).

Ayon kay Misamis Oriental Provincial Veterinary Head Dr. Benjie Resma, naglabas ng Executive order 2019-14 si Misamis Oriental Governor Bambi Emano na nag-uutos na pagbawalan muna na mag-import ng mga karneng baboy na nanggaling sa Luzon.

Dagadag pa ni Resma, ginawa ito ng gobernador upang maprotektahan ang mga tao sa lalawigan kahit pa nag-abiso si Department of Agriculture Secretary William Dar na iwasang magsagawa ng pag-ban sa mga hog products sa mga lugar na hindi naman direktang apektado ng ASF.